Monday, January 28, 2013

Ang Bath House

Ang kwentong aking ibabahagi ay naganap nito lamang taon. Tawagin mo na lamang ako sa pangalang Bryan. 25, accounts manager sa isang Insurance Company sa Makati. Nagbibiyahe ako noon papasok sa aking trabaho  ng may natanggap akong message sa aking email. “Pwede ka tonight?”  alok ng isang mestizo at may kagwapuhang lalaki. “May pasok ako eh” ang aking tugon. Tinanong ko siya kung saan niya ako balak ayain habang pinagmamasdan ko ang kanyang profile. 5’9, mestizo, medium built, Kenneth ang pangalan niya at ‘di ko maikakaila na gwapo ang lalaking ito. Pansamantalang naputol ang aming usapan dahil naka-rating na ako ng opisina. Kinabukasan, hapon ay nag-online muli ako upang makita kung naka-online din siya…at hindi nga ako nagkamali, naka-online din siya ng mga oras na iyon. Tinanong ko siya kung nakahanap siya ng makakasama niya kagabi ngunit wala daw siyang nahanap. Dahil dito ay ako na mismo ang nag-aya sa kanya na samahan siya. Hindi naman siya nagatubiling tumanggi sa aking alok. Kaya naman ay naging mas matagal pa ang aming usapan hanggang napagkasunduan naming magkita sa mismong araw ng aming lakad. Sa isang bar pala niya ako balak dalhin, gusto niyang uminom, kumanta at sumayaw. Pumayag naman ako dahil gusto ko ring lumabas ng gabing iyon, pero ang totoo ay gusto ko siyang makilala ng personal, dala na rin ng kanyang maamong mukha.
 
January 18 ng gabing iyon ay napagkasunduan naming magkita. Nakarating na ako sa lugar na aming napagkasunduan at sinabi sa kanyang text na pumasok na lamang ako sa loob. I-text ko raw ang aking locker number at pupuntahan niya ako mismo doon. Iniwan ko ang aking bag at jacket sa counter pati na rin ang aking cellphone at relo bilang ito parte ng rules & regulations ng bar. Sinamahan ako ng isa sa mga lalaking staff sa loob. Sa aking pagka-gulat ay ito pala ay isang “Bath House” na madalas ko lamang mapanood sa mga pelikula. Puro mga lalaking naka-tapis na puti ang nasa loob. Nang sandaling iyon ay naisip ko na maaring niloko lamang ako ni Kenneth. Panay ang lingon ko sa paligid, umaasang makikita ko siya. Naghubad na ako ng aking damit at nagtapis gaya ng karamihan upang malibot ko rin ang kabuan ng lugar. Madilim ang buong lugar at tanging “dim lights” lamang ilaw duon. Sa itaas ay may mini bar, concert hall, avr at videoke. Sa babang bahagi ng gusali ay may shower area, gym, Jacuzzi at locker area. Sa kabilang itaas na bahagi ng gusali ay may mga private rooms.
 
 Ito ang huli kong pinuntahan. Dahil first time ko sa lugar na iyon ay labis akong nagulat sa aking mga nakita. Maraming mga lalaking naka-tapis ang ilan ay naka-brief lamang na panay ang lakad sa buong lugar. Alam ko ang nais ng mga lalaking iyon at dahil alam ko na imposibleng Makita ko pa si Kenneth sa loob ay nag-solo na lamang ako sa loob. Sinubukan ko ring gayahin ang ginagawa ng mga kalalakihan ngunit bigo akong maka-hanap ng makakapareha. Naisip ko na lamang na magpahinga sa isa mga private rooms ng biglang na may isang lalaking tumabi sakin. Nagising ako dahil bigla nito akong niyakap. Hindi ako naka-galaw agad dahil mahigpit ang yakap nito. Sinubukan kong pumiglas ngunit maamo niyang sinabi “Huwag kang malikot, hindi kita sasaktan. Gusto lang kitang tabihan.” Humarap ako sa kanya at aking naaninag ang gwapong mukha nito. Aaminin ko, madali akong madala ng mga taong may magagandang mukha. Dahil ditto ay humarap na lamang ako sa kanya at yumakap rin ako. Nag-usap kami habang magka-yakap. Allen ang pangalan niya, 26 at isa siyang Releasing Manager sa isang bangko sa Pasig. Mukha namang mabait at may sense kausap. Masasabi kong nag-enjoy naman kami kahit walang nangyari sa amin ng gabing iyon maliban sa mainit na halikan. Halos 3 oras din kami sa loob ng private room dahil pareho kaming naka-tulog bilang parehas pala kaming galing sa trabaho. Matapos naming magising ay naghiwalay na rin kami. Minabuti ko na ring umuwi dahil malapit na mag-sara ang bath house. Almost 2:45am na ng ako’y makalabas. Sinubukan kong tawagan si Kenneth sa pag-asang nasa loob pa siya at maaring magkita kami sa labas. Ngunit nabigo ulit ako. Naka-uwi na lahat ng staff ng bath house ay wala pa ring Kenneth na nagpakita. Dahil dito ay minabuti ko ng umuwi na lamang at magpahinga. 
 
Nagaabang ako ng taxi sa tapat mismo ng bath house ng biglang may isang lalaking umakbay sa akin at pilit na kinukuha ang bag ko. Sinubukan kong manlaban ngaunit sa kasamaang palad ay sinaksak ako ng patalim ng lalaki. Mataas ang pain tolerance ko kaya kahit umaagos na ang dugo sa kaliwang tiyan ko ay nagawa ko pang habulin ang lalaki at humingi ng tulong. Sa kabutihang palad ay may mga tanod na rumesponde at nahuli ang snatcher. Ngunit dito ng malapit ko ng mahabol ang snatcher ay hindi ko namalayan ang isang sasakyan sa kalye, at dito na ako nawalan ng malay…
 
Nagising na lamang ako sa ospital katabi ang aking bag. Tinanong ko ang nurse kung sino ang nagdala sa akin sa ospital. Si Dr. Rodriguez daw ang taong nagdala sa akin doon at binilinan siya na huwag akong paalisin sa oras na magising ako. Agad ko namang hinanap si Dr. Rodriguez upang makapag-pasalamat sa kanya. Hindi nagtagal ay dumating din si Dr. Rodriguez at labis ang aking pasasalamat sa ginawa niyang pagsagip sa akin. “Tawagin mo na lamang akong Mike, masakit pa ba ang sugat mo?” ang tugon niya. Nais ko ng umuwi ngunit lubhang masakit at sariwa pa ang aking sugat. Halos maggagabi na ng muli akong dalawin ni Mike sa aking silid. Sinabi ko sa kanya na gusto ko ng umuwi, ngunit mariin siyang tumutol na dapat pa raw akong magpahinga ng ilang araw. Sinabi niya na kailangan na niyang umuwi dahil tapos na ang kanyang shift sa ospital. Nalungkot ako ng marinig ko iyon. Ngunit sinabi niya na isasama na lamang daw niya ako sa kanyang bahay bilang mag-isa lamang siyang naka-tira doon at para na rin mapabilis ang pag-galing ko. Hindi na ako tumanggi sa alok ni Mike.
 
Halos 8:00pm na ng makarating kami sa condominium ni Mike. Maganda ang lugar na tinutuluyan ni Mike. Magara ang mga kagamitan at maaliwalas ang buong bahay. “Dito ka muna sa bahay ko magpagaling, naka-bakasyon naman ako kaya mas mababantayan ko ang pag-galing mo, mas maaasikaso kita.” Tugon ni Mike sa akin habang inaalalayan niya ako sa may sofa niya. Masasabi kong magandang lalaki rin itong si Dr. Rodriguez. May katangkaraan, maputi, matipuno at napakabango niya. Hindi ko mapigilang maakit sa kanya kahit ayokong sumama ay napapayag niya pa rin ako.
 
Matapos naming maghapunan ay inayos niya ang kanyang kwarto at dinala niya ako doon. “dito kana matulog sa kwarto ko, malaki naman ang kama ko kaya kasya tayong dalawa” wika niya. “Dr. Rodriguez, ayos lang ba talaga sayo na dumito muna ako? Pwede naman akong umuwi sa amin. Kaya ko na rin ang sarili ko” ang sabi ko. “Bryan, isa akong doctor at hindi kita pwedeng pabayaan sa ganyang kalagayaan mo. Wala naman akong kasama dito kaya madali lamang sa akin na asikasuhin ka. At isa pa, Mike na lang itawag mo sa akin” sabi niya. Kinabukasan ng magising ako ay nakahanda na ang almusal. Dinala niya ito sa akin. Breakfast in bed ang eksena naming noon. Sa loob ko ay kinikilig ako at sobrang saya ko. Sinamahan niya akong mag-almusal at pagkatapos ay nag-kwentuhan kami tungkol sa mga bagay-bagay. Inamin ko rin sa kanya ang dahilan kung bakit ako naroon sa lugar na iyon. Sinabi rin niya sa akin na siya ang naka-bundol sa akin ng patawid ako sa kalye. Dahil doon ay sobrang na-guilty pala siya kaya ganoon na lamang ang pag-aruga niya sa akin. Inamin din niya na kamukha ko raw ang ex-partner niya na namatay noong nakaraang taon matapos itong maaksidente sa biyahe nila sa Palawan. Hiniling ni Mike sa akin na kung maaari daw ay doon muna ako sa kanya tumira kahit isang buwan lamang. Nais pa daw niya akong makasama at makilala ng matagal. Nais ko rin manatili sa kanya, kahit paano ay nagustuhan ko na rin siya. Maasikaso at napaka-bait ni Mike. Dahil dito ay pumayag na rin ako sa kanyang hiling.
 
Hindi ko maitago ang saya kong nadarama sa bawat sandali na kasama ko siya. Ngayon ay medyo naghilom na rin kahit papaano ang sugat ko, marahil ay sa mabisa ang gamot na binigay nya at siguro dahil talagang magaling si Mike mag-alaga. Sa ngayon ay hindi ko pa alam ang mangyayari sa amin ni Mike, parehas naming gusto ang isa’t-isa at inamin na rin niya yoon sa akin.   
 
Malaki ang pasasalamat ko kay Mike. Iniligtas niya ako ng gabing iyon. Sobrang sama ng loob ko dahil naloko ako pati na rin ang pangyayaring nasaktan ako. Ito ang pangalawang araw ko ngayon sa puder ni Mike. Masasabi kong mabait siya at dahil dito ay nagkaroon ako ng lakas ng loob upang maisulat ang pangyayaring ito sa aking buhay na hindi ko makakalimutan.
 
Salamat sa pagkakatong binigay mo sa sakin upang maisulat ko ang aking kwento. Hanggang sa muli, babalitaan ko na lamang kayo sa mga mangyayari pa sa amin.

No comments:

Post a Comment